Lumaki ako sa Caruncho Avenue. Sa tabi ng palengke. Sa likod ng mga squatters. Sa harapan ng sakayan ng dyip. Katabi ng Bernie's Salon at Del Carmen Pawnshop.
Tuwing lumalabas ako ng aming pintuan noong ako ay nag-aaral ng kinder maging hanggang high school, lagi akong sinasalubong at binabati ni Mang Maning. "Hello, Teresa!" Hanggang ngayon, hindi ko alam kung paano niya nalaman ang aking pangalan. Isa syang pamilyar na mukha sa aming kalsada. Mababatid sya ng iba bilang isang taong-grasa.
Bahain ang lugar namin dati. May panahon pa nga na kinailangan kong mamangka papuntang bayan para lang makasakay sa aming Toyota Tamaraw papuntang Poveda. Tatay ko pa nga yung gumawa ng aming bangka, na yari sa kahoy at yero. Ginagamit din nila iyon para makarating sa aming pwesto sa dry goods section ng palengke araw-araw.
Parati kaming namimisikleta sa park ng aking kapatid, o di kaya'y naglalaro sa palaruan. Paborito namin yung malaking pugita sa gitna na maraming padulasan. Wala kaming pakialam kahit marumihan ang mga pwet namin sa kakadulas sa pugitang iyon. Kaya pa nga naming tiisin yung paso sa aming mga binti at kamay na resulta ng madalas na pagkaskas ng aming mga balat sa mainit na kongkreto ng padulasan.
Hindi ko makakalimutan yung jukebox sa kainan sa gitna ng park. Hindi ko mawari kung bakit lagi akong natatakot lapitan yung makinang iyon. Siguro dahil tuwing pinapatugtog siya, abot hanggang bahay namin ang lakas ng kanyang tunog. Siguro rin dahil masyado akong nalunod sa pagkakumplikado ng makinarya nya para lamang makatugtog ng isang kanta. Piso lang ang katapat para marinig ang "Karma Chameleon" o "Bawal Na Gamot." Isang beses lang ako naghulog ng piso. "Like A Virgin" ang kanta.
Dalawang sorbetero ang rumoronda sa aming kalsada. Dirty ice cream sa umaga at Magnolia sa hapon. Tsokolate ang kadalasang pinapakiusapan ko sa sorbetero ng dirty ice cream. Matindi naman ang tama sa akin ng Magnolia, dahil bihira ko lang sya bilhin at kadalasan, kinakailangan ko pang kumbinsihin ang tagapag-alaga kong si Ate Ester na bilhan ako ng Pinipig Crunch, o kung papalarin, ng Drumstick. De padyak pa ang karitela ng Magnolia noon. Hindi pa uso ang background music. Sa kalembang o tililing pa lang ng maliit na kampana, napapatakbo na ako sa aming harapan upang salubungin ang mga sorbeterong tila di napapagod sa kaiikot sa aming lugar.
[Abangan ang susunod na kabanata]
Tuesday, July 22, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment